Friday, September 7, 2012

Isinasabuhay na Metanarrative

Napakaraming metanarratives ang nasusundan ko sa buhay, sadyain ko man o hindi. Isa na sa mga ito ang paniniwalang mas maganda ang sapatos na gawa ng Nike kaysa sa gawa ng Adidas. Mahilig ako maglaro ng basketbol, kaya tumatangkilik ako sa mga sapatos. Sa mga taong nagkahilig ako sa larong ito, naging mapili rin ako sa sapatos. Para sa akin, mas magaganda ang disenyo at mas kumportable sa paa ang mga gawa ng Nike. Nagmumukhang mas maporma at mas may dating ang nagsusuot ng Nike, para sa akin. Sa kabilang banda naman, ang Adidas, nang isuot ko nang minsan, ay nagkaroon ako ng tinatawag na "sprain." Mula noon, mas sinuot ko na ang mga Nike kong sapatos. Hindi ko alam, pero baka nanghuhusga na ako.

Mula sa pahinang ito ang imahe sa itaas.

Thursday, August 16, 2012

Pamilyang Ideyal

    Narito ang imahe ng dibuho o painting na pinamagatang "Family Picture" ni Emmanuel Garibay. Makikita rito ang isang pamilyang kuntento at nasisiyahan sa kanilang kasalukuyang kalagayan. Sa tradisyunal na pamamaraan, inilalarawan ang pamilya na binubuo ng mga miyembrong nagmamahal at nag-aalaga sa isa't isa. Mahahalata naman sa dibuhong ito na ang batang anak ay inaalagaan ng kaniyang magulang. Makikita rin na inaakbay ng ama ang ina ng bata. Mula sa mga pisikal na katangiang makikita, masasabi nating nangingibabaw ang pagmamahal sa dibuhong ito. Ganito dapat ang isang ideyal na pamilya, na kung saan nagmamahalan ang bawat miyembro. Sa kanilang pagmamahal, nagbubunga ito ng kasiyahan, kaginhawaan, at kapayapaan sa pangunahing yunit ng lipunan.

Thursday, August 2, 2012

Tunggalian ng Mabuti at Masama


    Kaninang hapon, habang nanonood ng mga highlights ng Olympic Games, na nagaganap sa kasalukyan, narating ako sa isang lumang patalastas ng Nike Football (na makikita sa itaas) na pinamagatang "Good vs. Evil." Isa itong patalastas na nagpapakita ng tunggalian sa pagitan ng mabuting panig, na kinatatawan ng mga dating tanyag na manlalaro, at ng masamang panig, na ipinakikita bilang mga pangit na halimaw, sa pamamagitan ng larong football. Sa unang bahagi, mapapuna nating tila nananalo ang panig ng masama dahil sa kanilang panggugulang at panlalamang sa mga mabubuti. Nang matatalo na ang mabuting panig, biglaan silang umahon at nagkaroon ng lakas muli. Mula rito, nagtulungan sila upang maiskor ang bola sa loob ng goal ng masamang panig. Dito, mahahalata na natin ang istiryotipong pakikipagtunggali ng dalawang panig, na kung saan ang mabuti ay nagtatagumpay sa kahuli-hulihan.

    Makikita natin ang istiryotipong ito sa tradisyunal na uri ng maiikling kuwento. Sa pagkakaroon ng ganitong oposisyon sa isang kuwento, nagiging madali at hindi nakalilito ang pagtukoy sa papanigang pangkat (na kasalasan ay ang mabuti). Dahil paulit-ulit na lumilitaw ang ganitong ideya sa mga kuwento, nagiging bahagi na ito ng pagiging tradisyunal ng mga kuwentong iyon.

Tuesday, July 24, 2012

Realistikong Romantiko


    Noong nakaraang linggo, naatasan ang klase ko sa Filipino na manood ng dalawang dula, ang “Mga Santong Tao” at ang “Sistema ni Propesor Tuko.” Maaaring maituring na realistiko o romantiko ang mga dula batay sa mga elemento ng kani-kanilang naratibo at paraan ng pagtatanghal.

    Masasabi kong romantiko sa kabuuan ang unang dula dahil nagpapakita ng ideyal na katapusan nito. Sa unang dula, ang “Mga Santong Tao,” ipinakikita ang pagtagumpay ng kababaihan sa katapusan nito. Makikita natin ang paghalakhak ni Titay bunga ng kanyang pagiging matagumpay laban sa pang-aabuso ng kalalakihang nasa kapangyarihan. Bagaman ipinakita ang realidad ng ginagalawang lipunan sa mga katangian ng mga tauhan, ang pagtagumpay pa rin ni Titay ang nangingibabaw sa kahulihan. Nagsisilbing patunay rito ang bahagi ng “falling action” sa elementong “plot.” Ang paghalakhak ni Titay ang kaganapan sa bahaging ito.

    Masasbi kong realistiko naman ang kabuuan ng dulang “Sistema ni Propesor Tuko.” Sa dulang ito, ipinakikita sa mga manonood ang realidad ng kapangitan ng sistema ng edukasyon sa bansang Pilipinas. Lumilitaw ang katotohanang ito sa mga elementong “set” at tauhan. Mahahalata ang tambakan ng basura sa mga gilid ng entablado, na nagpapakita ng hindi magandang mga kondisyon para sa pag-aaral ng mga estudyante. Maliban dito, mapupunang magulo ang ayos ng silid-aralan sa entablado. Hindi rin angkop ang ganitong ayos ng silid para sa mga pangangailangan ng mga estudyante para sa pag-aaral. Kung titingnan naman ang elemento ng mga tauhan, malinaw ang mga istiryotipo ng mag-aaral na ipinakikita nila. Kung titingnan ang kabuuan ng sistema ng edukasyon sa bansa, maaaring sabihin na maraming estudyante ang sumasalamin sa mga katangian ng apat na tauhan na sina Kiko, Ningning, Bubbles, at Bondying. Sa pangkalahatan, hindi ideyal ang kani-kanilang mga ugali sa pagiging mag-aaral. Makikita rin naman sa tauhan ni Propesor Tuko ang istiryotipong “terror” na guro. Sa kalagitnaan ng dula, makikita natin kung bakit siya ganito. Malalaman natin na maliban sa kaniyang pagiging guro, nagtatrabaho rin siya sa Cubao, takot siya sa kaniyang mga estudyante, at napakababa ang isinusuweldo sa kanya para sa kaniyang tungkulin. Ipinakikita rito ang kahirapang kailangan labanan at laganap sa lipunang ginagalawan natin. Sa madaling salita, makatotohanan ang mga pangyayaring ito. Bagaman nakatatawa ang pagsasadula ng mga eksenang ito, ipinakikita pa rin ng mga ito ang pangit na katotohanang umiiral sa kasalukuyang lipunan.

    Bagaman masasabing nagkakaroon ng dominanteng katangian ang bawat dula, hindi maiiwasan ang paghalo ng dalawang konsepto ng pagiging realistiko at romantiko. Kahit na mas litaw ang isang konsepto, nagiging daan ang iba upang mas lalong lumitaw ang pangunahing konsepto sa mga dulang napanood.


Friday, July 13, 2012

Patalastas o Aktwal?



   Narito ang isang larawan na nagpapakita ng histura ng mga fast food items sa kani-kanilang mga patalastas at sa katotohanan. Nakapupukaw sa isipan ang kagandahan at masasabing perpektong hitsura ng mga pagkain sa ilalim ng hanay na "Advertisements" o mga nakikita sa patalastas. Kung ihahambing ang hitsura ng mga ito sa kabilang hanay, ang hanay ng aktwal na hitsura ng mga ito, hindi maitatangging mas magandang tingnan ang mga nakikita sa mga patalastas. Sa madaling salita, mas magaganda o ideyal ang nakikita sa ilalim ng hanay ng mga patalastas.

    Gayundin ang panitikan. Nahihiwalay ito sa dalawa - ang tradisyunal na panitikan at ang modernong panitikan. Mailalapat ang tradisyunal na panitikan sa hanay ng patalastas. Pareho nilang ipinakikita ang pagiging maganda ng kinalabasan ng isang bagay, o ang ideyal na hitsura o katangian nito. Kung ibabase lamang sa pagiging ideyal ng isang bagay, malamang-lamang ay ito ang tatangkilikin ng tao. Sa kabilang banda naman, mailalapat ang modernong panitikan sa hanay ng aktwal na larawan ng pagkain. Sa modernong panitikan, hindi laging maganda ang ipinakikita ng isang piyesa o tula. Mula rito, maaaring maging mulat ang tao sa mga pangit na katotohanan sa ginagalawang lipunan. Kung pag-uusapan naman ang aktwal na pagkain, masasabing hindi gaanong maganda ang hitsura ng mga ito kung ihahambing sa mga ipinakikita sa mga patalastas.

    Mula rito, makikita ang malaking pagkakaiba ng patalastas at tradisyunal na panitikan at ng aktwal at panitikang moderno.

Friday, July 6, 2012

BIG

     Masasabi kong adik akong manood ng mga laro Sa NBA, lalo na sa panahon ng taunang playoffs. Tuwing umaga, nakasubaybay ako sa anumang istasyong nagpapalabas ng mga laro. Tuwing may patalastas, kapansin-pansin ang patalastas ng NBA na "BIG." BIG? Isang salita lamang ito, subalit napakaraming dahilan kung bakit BIG o malaking bagay ang NBA. Ipinahahayag ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga bidyo ng mahuhusay na manlalaro. Nakikita ang konsepto ng iba't ibang interpretasyon ng BIG o ng isang ideya ng tula. 


    Sa ika-6 na saknong ng "Payo sa Bumabasa ng Tula," mababaw natin ang iba't ibang anggulo sa pagtingin sa buto ng mangga. Gayundin ang BIG. Iisang bagay ang pinag-uusapan ngunit marami ang kahulugan.

 Isang patalastas ng "BIG."

Friday, June 29, 2012

Ang Panitikan at ang "Cheese Top Burger"


       Noong isang gabi, habang iniisa-isa ko ang mga larawang nakapaskil sa 9gag, ang sikat na website na naglalaman ng mga nakatutuwang larawan, isang kakaibang larawan ang lumitaw sa harap ko. Larawan ito ng bagong produkto ng KFC, ang "Cheese Top Burger." Sa unang tingin, hindi ko malaman kung ituturing kong kalokohan o katotohanan ang pagkaing ito dahil para sa akin, napakalabo ng konsepto nito. Hindi ko maintindihan kung bakit ililipat ang pirasong keso sa ibabaw ng tinapay mula sa loob nito. Para sa akin, napakaabsurdo talaga nito.

     Maaaring lumitaw ang tanong na, "Ano ang kinalaman ng panitikan sa 'Cheese Top Burger' na ito?" May sagot ako riyan! Taglay ng panitikan at ng pagkaing ito ang pagiging malabo sa unang basa o tingin. Ayon sa pilosopong si Plato, ang panitikan ay animo'y kopya ng kopya. Sa paulit-ulit na pagkopya, lumalabo ito kung ihahambing sa orihinal. Ngunit, kung iisiping mabuti, sumasalamin pa rin sa orihinal ang sinasabing "kopya ng kopya." Ang isang tula, sabihin nating tungkol sa sapatos, ay bumabalik pa rin sa aktwal na sapatos at sa mismong konsepto ng sapatos na bungang-isip. Ang "Cheese Top Burger" na ito ay isa pa ring "burger," bagamang napakaabsurdo pa rin ang pagkakaroon ng keso sa ibabaw nito. Sa huli, taglay pa rin ng dalawa ang mga elemento o katangian ng aktwal na bagay at ng ideya na naubo mula sa kaisipan.

    Kaya sa madaling salita, kahit na masasabing maaaring masabing abusurdo ang panitikan, may isinasalamin pa rin itong bagay o konsepto na pamilyar sa mambabasa nito. Kung susuriin ito nang mabuti, lilitaw ang ideyang ipinahahayag sa mambabasa.


Narito ang larawan ng "Cheese Top Burger," mula sa pahina ng KFC sa Facebook: