Kaninang hapon, habang nanonood ng mga highlights ng Olympic Games, na nagaganap sa kasalukyan, narating ako sa isang lumang patalastas ng Nike Football (na makikita sa itaas) na pinamagatang "Good vs. Evil." Isa itong patalastas na nagpapakita ng tunggalian sa pagitan ng mabuting panig, na kinatatawan ng mga dating tanyag na manlalaro, at ng masamang panig, na ipinakikita bilang mga pangit na halimaw, sa pamamagitan ng larong football. Sa unang bahagi, mapapuna nating tila nananalo ang panig ng masama dahil sa kanilang panggugulang at panlalamang sa mga mabubuti. Nang matatalo na ang mabuting panig, biglaan silang umahon at nagkaroon ng lakas muli. Mula rito, nagtulungan sila upang maiskor ang bola sa loob ng goal ng masamang panig. Dito, mahahalata na natin ang istiryotipong pakikipagtunggali ng dalawang panig, na kung saan ang mabuti ay nagtatagumpay sa kahuli-hulihan.
Makikita natin ang istiryotipong ito sa tradisyunal na uri ng maiikling kuwento. Sa pagkakaroon ng ganitong oposisyon sa isang kuwento, nagiging madali at hindi nakalilito ang pagtukoy sa papanigang pangkat (na kasalasan ay ang mabuti). Dahil paulit-ulit na lumilitaw ang ganitong ideya sa mga kuwento, nagiging bahagi na ito ng pagiging tradisyunal ng mga kuwentong iyon.
No comments:
Post a Comment