Friday, July 13, 2012

Patalastas o Aktwal?



   Narito ang isang larawan na nagpapakita ng histura ng mga fast food items sa kani-kanilang mga patalastas at sa katotohanan. Nakapupukaw sa isipan ang kagandahan at masasabing perpektong hitsura ng mga pagkain sa ilalim ng hanay na "Advertisements" o mga nakikita sa patalastas. Kung ihahambing ang hitsura ng mga ito sa kabilang hanay, ang hanay ng aktwal na hitsura ng mga ito, hindi maitatangging mas magandang tingnan ang mga nakikita sa mga patalastas. Sa madaling salita, mas magaganda o ideyal ang nakikita sa ilalim ng hanay ng mga patalastas.

    Gayundin ang panitikan. Nahihiwalay ito sa dalawa - ang tradisyunal na panitikan at ang modernong panitikan. Mailalapat ang tradisyunal na panitikan sa hanay ng patalastas. Pareho nilang ipinakikita ang pagiging maganda ng kinalabasan ng isang bagay, o ang ideyal na hitsura o katangian nito. Kung ibabase lamang sa pagiging ideyal ng isang bagay, malamang-lamang ay ito ang tatangkilikin ng tao. Sa kabilang banda naman, mailalapat ang modernong panitikan sa hanay ng aktwal na larawan ng pagkain. Sa modernong panitikan, hindi laging maganda ang ipinakikita ng isang piyesa o tula. Mula rito, maaaring maging mulat ang tao sa mga pangit na katotohanan sa ginagalawang lipunan. Kung pag-uusapan naman ang aktwal na pagkain, masasabing hindi gaanong maganda ang hitsura ng mga ito kung ihahambing sa mga ipinakikita sa mga patalastas.

    Mula rito, makikita ang malaking pagkakaiba ng patalastas at tradisyunal na panitikan at ng aktwal at panitikang moderno.

No comments:

Post a Comment