Thursday, August 16, 2012

Pamilyang Ideyal

    Narito ang imahe ng dibuho o painting na pinamagatang "Family Picture" ni Emmanuel Garibay. Makikita rito ang isang pamilyang kuntento at nasisiyahan sa kanilang kasalukuyang kalagayan. Sa tradisyunal na pamamaraan, inilalarawan ang pamilya na binubuo ng mga miyembrong nagmamahal at nag-aalaga sa isa't isa. Mahahalata naman sa dibuhong ito na ang batang anak ay inaalagaan ng kaniyang magulang. Makikita rin na inaakbay ng ama ang ina ng bata. Mula sa mga pisikal na katangiang makikita, masasabi nating nangingibabaw ang pagmamahal sa dibuhong ito. Ganito dapat ang isang ideyal na pamilya, na kung saan nagmamahalan ang bawat miyembro. Sa kanilang pagmamahal, nagbubunga ito ng kasiyahan, kaginhawaan, at kapayapaan sa pangunahing yunit ng lipunan.

Thursday, August 2, 2012

Tunggalian ng Mabuti at Masama


    Kaninang hapon, habang nanonood ng mga highlights ng Olympic Games, na nagaganap sa kasalukyan, narating ako sa isang lumang patalastas ng Nike Football (na makikita sa itaas) na pinamagatang "Good vs. Evil." Isa itong patalastas na nagpapakita ng tunggalian sa pagitan ng mabuting panig, na kinatatawan ng mga dating tanyag na manlalaro, at ng masamang panig, na ipinakikita bilang mga pangit na halimaw, sa pamamagitan ng larong football. Sa unang bahagi, mapapuna nating tila nananalo ang panig ng masama dahil sa kanilang panggugulang at panlalamang sa mga mabubuti. Nang matatalo na ang mabuting panig, biglaan silang umahon at nagkaroon ng lakas muli. Mula rito, nagtulungan sila upang maiskor ang bola sa loob ng goal ng masamang panig. Dito, mahahalata na natin ang istiryotipong pakikipagtunggali ng dalawang panig, na kung saan ang mabuti ay nagtatagumpay sa kahuli-hulihan.

    Makikita natin ang istiryotipong ito sa tradisyunal na uri ng maiikling kuwento. Sa pagkakaroon ng ganitong oposisyon sa isang kuwento, nagiging madali at hindi nakalilito ang pagtukoy sa papanigang pangkat (na kasalasan ay ang mabuti). Dahil paulit-ulit na lumilitaw ang ganitong ideya sa mga kuwento, nagiging bahagi na ito ng pagiging tradisyunal ng mga kuwentong iyon.