Noong nakaraang linggo,
naatasan ang klase ko sa Filipino na manood ng dalawang dula, ang
“Mga Santong Tao” at ang “Sistema ni Propesor Tuko.” Maaaring
maituring na realistiko o romantiko ang mga dula batay sa mga
elemento ng kani-kanilang naratibo at paraan ng pagtatanghal.
Masasabi kong romantiko
sa kabuuan ang unang dula dahil nagpapakita ng ideyal na katapusan
nito. Sa unang dula, ang “Mga Santong Tao,” ipinakikita ang
pagtagumpay ng kababaihan sa katapusan nito. Makikita natin ang
paghalakhak ni Titay bunga ng kanyang pagiging matagumpay laban sa
pang-aabuso ng kalalakihang nasa kapangyarihan. Bagaman ipinakita ang
realidad ng ginagalawang lipunan sa mga katangian ng mga tauhan, ang
pagtagumpay pa rin ni Titay ang nangingibabaw sa kahulihan.
Nagsisilbing patunay rito ang bahagi ng “falling action” sa
elementong “plot.” Ang paghalakhak ni Titay ang kaganapan sa
bahaging ito.
Masasbi kong realistiko
naman ang kabuuan ng dulang “Sistema ni Propesor Tuko.” Sa dulang
ito, ipinakikita sa mga manonood ang realidad ng kapangitan ng
sistema ng edukasyon sa bansang Pilipinas. Lumilitaw ang katotohanang
ito sa mga elementong “set” at tauhan. Mahahalata ang tambakan ng
basura sa mga gilid ng entablado, na nagpapakita ng hindi magandang
mga kondisyon para sa pag-aaral ng mga estudyante. Maliban dito,
mapupunang magulo ang ayos ng silid-aralan sa entablado. Hindi rin
angkop ang ganitong ayos ng silid para sa mga pangangailangan ng mga
estudyante para sa pag-aaral. Kung titingnan naman ang elemento ng
mga tauhan, malinaw ang mga istiryotipo ng mag-aaral na ipinakikita
nila. Kung titingnan ang kabuuan ng sistema ng edukasyon sa bansa,
maaaring sabihin na maraming estudyante ang sumasalamin sa mga
katangian ng apat na tauhan na sina Kiko, Ningning, Bubbles, at
Bondying. Sa pangkalahatan, hindi ideyal ang kani-kanilang mga ugali
sa pagiging mag-aaral. Makikita rin naman sa tauhan ni Propesor Tuko
ang istiryotipong “terror” na guro. Sa kalagitnaan ng dula,
makikita natin kung bakit siya ganito. Malalaman natin na maliban sa
kaniyang pagiging guro, nagtatrabaho rin siya sa Cubao, takot siya sa
kaniyang mga estudyante, at napakababa ang isinusuweldo sa kanya para
sa kaniyang tungkulin. Ipinakikita rito ang kahirapang kailangan
labanan at laganap sa lipunang ginagalawan natin. Sa madaling salita,
makatotohanan ang mga pangyayaring ito. Bagaman nakatatawa ang
pagsasadula ng mga eksenang ito, ipinakikita pa rin ng mga ito ang
pangit na katotohanang umiiral sa kasalukuyang lipunan.
Bagaman masasabing
nagkakaroon ng dominanteng katangian ang bawat dula, hindi maiiwasan
ang paghalo ng dalawang konsepto ng pagiging realistiko at romantiko.
Kahit na mas litaw ang isang konsepto, nagiging daan ang iba upang
mas lalong lumitaw ang pangunahing konsepto sa mga dulang napanood.
Ang imahe ay mula sa http://www.tumblr.com/tagged/ateneo-entablado.