Noong isang gabi, habang iniisa-isa ko ang mga larawang nakapaskil sa 9gag, ang sikat na website na naglalaman ng mga nakatutuwang larawan, isang kakaibang larawan ang lumitaw sa harap ko. Larawan ito ng bagong produkto ng KFC, ang "Cheese Top Burger." Sa unang tingin, hindi ko malaman kung ituturing kong kalokohan o katotohanan ang pagkaing ito dahil para sa akin, napakalabo ng konsepto nito. Hindi ko maintindihan kung bakit ililipat ang pirasong keso sa ibabaw ng tinapay mula sa loob nito. Para sa akin, napakaabsurdo talaga nito.
Maaaring lumitaw ang tanong na, "Ano ang kinalaman ng panitikan sa 'Cheese Top Burger' na ito?" May sagot ako riyan! Taglay ng panitikan at ng pagkaing ito ang pagiging malabo sa unang basa o tingin. Ayon sa pilosopong si Plato, ang panitikan ay animo'y kopya ng kopya. Sa paulit-ulit na pagkopya, lumalabo ito kung ihahambing sa orihinal. Ngunit, kung iisiping mabuti, sumasalamin pa rin sa orihinal ang sinasabing "kopya ng kopya." Ang isang tula, sabihin nating tungkol sa sapatos, ay bumabalik pa rin sa aktwal na sapatos at sa mismong konsepto ng sapatos na bungang-isip. Ang "Cheese Top Burger" na ito ay isa pa ring "burger," bagamang napakaabsurdo pa rin ang pagkakaroon ng keso sa ibabaw nito. Sa huli, taglay pa rin ng dalawa ang mga elemento o katangian ng aktwal na bagay at ng ideya na naubo mula sa kaisipan.
Kaya sa madaling salita, kahit na masasabing maaaring masabing abusurdo ang panitikan, may isinasalamin pa rin itong bagay o konsepto na pamilyar sa mambabasa nito. Kung susuriin ito nang mabuti, lilitaw ang ideyang ipinahahayag sa mambabasa.